Ang lahat ng tao ay magkakapatid sa kabila ng pagkakaiba sa wika, sa ugali, at sa pananampalataya.
Sa mga hinagdang taniman sa bulubundukin naninirahan si Aliguyon, isang mandirigmang Ipugaw
na mabilis at magaling sa paghawak ng sibat. Anak siya ni Antalan, isa
ring mandirigma. Maagang natuto ng pakikipaglaban si Aliguyon sa
tulong ng kanyang ama. Ang unang larangan ng digma ni Aliguyon ay ang
matitigas na lupa sa tabi ng kanilang tahanan. Ang unang sandata niya
ay ang trumpo at ang mga unang kalaban niya sa larong ito ay ang mga
bata rin sa kanilang pook. Kapag pinawalan ni Aliguyon ang kanyang
trumpo, matining na matining na iikot ito sa lupa o kapag inilaban niya
ito sa ibang trumpo, tiyak na babagsak na biyak ang laruan ng kanyang
kalaban.
Tinuruan din siya ng kanyang ama ng
iba’t-ibang karunungan: umawit ng buhay ng matapang na mandirigma,
manalangin sa Bathala ng mga mandirigmang ito at matutuhan ang mga
makapangyarihang salita sa inusal ng mga pari noong unang panahon.
Ikinintal ni Amtalan sa isip at damdamin ng
anak ang katapangan at kagitingan ng loob. Talagang inihanda ng ama si
Aliguyon upang maipaghiganti siya ng anak sa matagal na niyang kaaway,
kay Pangaiwan ng kabilang nayon. Nang handang-handa na si Aliguyon,
nagsama siya ng iba pang mandirigma ng kanilang nayon at hinanap nila
ang kalaban ni Antalan. Subalit hindi si Pangaiwan ang natagpuan kundi
si Dinoyagan, ang anak na lalaki nito. Mahusay din siyang mandirigma,
tulad ni Aliguyon, inihanda rin siya ng kanyang ama sa pakikipaglaban
upang maipaghiganti siya ng anak sa kalaban niyang si Antalan.
Kaya anak sa anak ang nagtagpo. Kapwa sila matatapang, kapwa magagaling sa pakikipaglaban lalo na sa paghawak ng sibat.
Itataas ni Aliguyon ang kanyang sibat.
Nangingintab ito lalo na kung tinatamaan ng sikat ng araw. Paiikutin
ang sibat sa itaas saka mabilis ang kamay ng binatang kalaban. Aabangan
ng matipunong kanan ang sibat na balak itimo sa kanyang dibdib.
Tila kidlat na paroo’t-parito ang sibat. Maririnig na lamang ang haging nito at nagmistulang awit sa hangin.
Nanonood ang mga dalagang taga-nayon at sinusundan ng mga mata ang humahanging sibat.
Saksakin mo siya, Dinoyagan!
Sasawayin sila ng binata,
Kasinggaling ko siya sa labanang ito.
Araw-araw ay nagpatuloy ang kanilang laban
hanggang sa ito’y inabot ng linggo, ng buwan. Kung saan-saan sila
nakarating. Nagpalipat-lipat ng pook, palundag-lundag, patalun-talon sa
mga taniman.
Namumunga na ang mga palay na nagsisimula pa
lamang sumibol nang simulan nila ang labanan. Inabot ng taon hanggang
sa sila’y lubusang huminto ng pakuluan ng sibat. Walang nasugatan sa
kanila. Walang natalo.
Naglapit ang dalawang mandirigma. Nagyakap
at nagkamayan, tanda ng pagkakaibigan at pagkakapatiran. Dakila si
Aliguyon. Dakila si Dinoyagan. Ipinangako nilang sa oras ding iyon na
lilimutin na ang alitan ng kanilang ama. Nagdiwang ang lahat.
Lalong nagkalapit ang damdamin ng dalawang
mandirigma nang mapangasawa si Aliguyon si Bugan, ang kapatid ni
Dinoyagan at nang maging kabiyak ng dibdib ni Dinoyagan ang kapatid ni
Aliguyon. Nanirahan sila sa kani-kanilang nayon. Doon sila namuhay
nang maligaya. Doon lumaki ang kani-kanilang mga supling.
Kung may pista o anumang pagdiriwang sa
kanilang nayon, buong kasiyahanng pinanonood ng mga taga-nayon ang
dalawa lalo na kung sila’y sumasayaw. Kung mahusay sila sa pakikidigma
ay mahusay din sila sa pagsasayaw. Lumulundag sila at pumailanlang na
parang maririkit na agila.
Sa kani-kanilang nayon, tinuruan nina
Aliguyon at Dinoyagan ang mga tao tungkol sa marangal na pamumuhay,
karangalan, at katapangan ng mga mandirigma, at pagmamahal at
pagmamalasakit sa Inang Bayan. Kahit na sila’y pumanaw, binuhay ng mga
Ipugaw ang kanilang kadakilaan. Inaawit ang kanilang katapangan. Hindi
mawawala sa puso at kasaysayan ng mga Ipugaw ang kagitingan ng dalawang
mandirigma. Nagpasalin-salin sa mga lahi ng Ipugaw, ng mga Pilipino
ang dakilang pamana ng mga dakilang mandirigma.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento